Thursday, 5 January 2017

Dalagita sa Malabon na biktima ng ligaw na bala, pumanaw na–DOH




Pumanaw nitong Miyerkules ng gabi ang 15-anyos na si Emilyn Calano, ang dalagitang tinamaan ng ligaw na bala sa ulo sa kasagsagan ng putukan sa pagsalubong sa 2017 noong Sabado sa Malabon City.

Ang impormasyon ay nagmula mismo kay Health Secretary Paulyn Ubial, base sa ulat ng dzBB radio.

Sa text message, sinabi ni Ubial na binawian ng buhay si Calano sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC) sa Sta. Cruz, Manila, dakong 6:10 p.m. matapos ma-cardiac arrest.

"She arrested at 5:30 p.m. They tried to resuscitate, but was not successful. [She was] declared dead at 6:10 p.m.," ani Ubial.

Isasailalim umano sa awtopsiya ang mga labi ni Calano, dagdag ng kalihim.
Una rito, iniulat na nanonood si Calano ng fireworks display noong Sabado sa labas ng kanilang bahay sa Malabon nang bigla itong matumba.

Isang bala ang tumama sa ulo ng biktima na dahilan ng kaniyang pagkaka-comatose hanggang sa bawian ng buhay nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon sa pulisya, mayroon na siyang pinaghihinalaang nasa likod ng pagpapaputok ng baril at kanila na ngayong tinutugis.

Nakapagsampa na rin ang mga awtoridad ng reklamong attempted murder at reckless imprudence resulting in serious physical injuries laban sa suspek sa Malabon City Prosecutor's Office.

Inaasahang papalitan ang naturang reklamo sa homicide o murder kasunod ng pagpanaw ng biktima. —FRJ, GMA News


SOURCE:GMA NEWS

Loading...