CHANGE IS COMING: Dahil sa takot sa maaaring mangyari sa kanila, kusang sumuko sa otoridad ang 19 drug pushers at users, kabilang ang isang 15-anyos na binatilyo, Miyerkules ng umaga sa Barangay Kinilis, Polomolok, South Cotabato.
Tumangging humarap sa kamera ang binatilyong si Alyas Don-don pero ayon sa kanya, naimpluwensyahan lang daw siya ng kanyang barkada.
Ayaw umano nitong masira ang kanyang kinabukasan kaya minabuti niyang sumuko kahit pa hindi alam ng kanyang mga magulang.
Sumuko rin si Alyas John Ret, 36, matapos ang 18 taon na gumagamit siya ng shabu. Aniya, takot siya kay President-elect Rodrigo Duterte matapos nitong ipangako na tatapusin niya ang problema sa droga sa bansa.
Ngayon lang din umano naisipan ni John Ret na sumuko dahil sa striktong pagpapatupad umano ni Duterte sa batas kahit hindi pa ito nakakaupo. Anya, wala raw kasing ngipin ang pagpapatupad ng batas ang kasalukuyang administrasyon.
Lumagda at nanumpa ang mga surrenderees na nagpapatunay ng kanilang pakikiisa sa pagbabago.
Source: ABS-CBN
Loading...