Bagamat labis na ikinagalit ng mga netizens ang gagawing hakbang ng Commission on Human Rights (CHR) ay nakahanda pa rin umano ang Pambansang Pulisya na suportahan ang plano ng komisyon na imbestigahan ang pagkamatay ng suspek sa panggagahasa at pangho-holdap sa dalawang pasahero ng colurum na UV express sa Quezon City.
Ayon kay Supt Rodel Marcelo, Chief ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), makikipagtulungan sila sa CHR para sa kanilang isasagawang imbestigasyon.
Kinukuwestiyon kasi ng CHR ang pagkamatay ng suspek na si Alfie Torado alyas Buddy partikular sa pagkakaposas ng kanyang kamay sa harap na siyang dahilan kung bakit nagtangka itong mang-agaw ng baril sa isang pulis.
Pero paliwanag ng PNP, si Torado mismo ang humiling na ilipat ang kanyang pagkakaposas sa harap para maging komportable matapos bugbugin ng mga residente ng Barangay Obrero sa lungsod Quezon kung saan siya nahuli.
Source: Bombo Radyo
Loading...